"Daaamnnn!!!!" Sigaw ng babae sa isang mall. Halos natawag ang atensyon ng lahat ng nasa paligid. Kung ano ang dahilan, walang nakakaalam.
Natawa ako sa di ko maipaliwanag na rason. Pumasok siya sa bookstore at may kung anong espiritu ang nagdikta sa akin para sundan siya. Nakapagtataka, mahinahon na ang babae sa loob para bang wala siyang pakialam sa ginawa niyang eksena. Nag-ikot-ikot ako kahit wala naman akong bibilihin sa loob. Pero nakapako pa din ang isang mata ko sa babae. Naging instant stalker yata ang dating ko.
Napakunot noo ako. Kahit ang pinakasikat ng skin clinic di kayang alisin ang linyang nabuo dito. May dumaan lang na dambuhalang ale, nawala na sa paningin ko ang weird na babae. Dinaig pa ang teleportation ni Son Goku.
Inikot ko ang mga shelves pero di ko siya natagpuan. "Napakaweird niya." wika ko sa sarili. "Sumigaw na lang basta tapos ngayon naging invisible."
"Sinusundan mo ba ako?" tanong ng weird na babaeng nakaupo sa sahig ng bookstore habang nagbabasa.
Naloko na. Nabuking pa yata ako. "Hindi ah." Tanggi ko naman agad. Parang akong politikong expert sa pagdedeny kapag may kasong kinasangkutan.
"Ok," sagot niya at muling nagbabalik sa pagbabasa.
Humagilap ako ng libro para makakuha ng tyempo at kausapin siya. Gusto kong malaman ang dahilan ng pagsigaw niya. Pinalipas ko muna ang ilang saglit bago muli akong lumapit. "Try mo 'tong tutubi-tutubi ni Jun Cruz Reyes."
"Maganda ba 'yan?" Hindi siya tumingin sa hawak kong libro pero at least hindi nya ako dinedma.
"Magandang-maganda. Favorite author ko ang sumulat nito kaya hindi ka lugi kapag binili mo 'to."
"Bookworm ka ba o salesman?" Sa wakas tumingin siya sa akin.
"Hindi naman. Naadik lang siguro ako sa mga sinulat niya."
"Ok." Naging mailap muli ang babae matapos ang maikling mausapan. Namayani muli ang katahimikan sa aming dalawa.
Sayang naman ang effort ko kung palalamsin ko lang ang pagkakataon. "Nga pala, bakit ka sumigaw kanina? May nangyari ba?" Tahimik lang siya. Wala akong narinig na sagot. "Sorry kung nangengelam na ako ng sobra." Lumakad na ako palayo hindi nga naman tama kung manghimasok pa ako sa mga bagay na hindi ko dapat pinakikialaman.
"Masarap sigurong basahin ang librong ito habang nagkakape," pahabol niya. Huminto ako sa paglalakad. Inirewind ko sa aking tenga ang mga sinabi niya. Sa naging sagot niya alam kong may patutunguhan ang aming usapan. Malamang may problema siya kaya siya sumigaw at iyon ang way niya para magrelease ng tension.
"Mas masarap uminom ng kape kapag nagkukwentuhan," suwestiyon ko. "Lalo kapag may gusto kang ilabas na hindi mo masabi sa iba."
"Hindi ka lang pala bookworm or salesman... may pagkamanghuhula ka pala."
"Chamba lang siguro." Pagkabayad niya sa counter ay automatic na naglakad ang aming mga paa papunta sa coffee shop.
Habang naglalakad, nagsimula na siyang magkwento. Hindi niya matanggap na nagawa agad siyang palitan ng kanyang ex-boyfriend after ng isang buwan ng break-up.
"Mas ok na siguro sa iyo ako mag-open tutal hindi mo kilala ang mga taong involve. Yes, I'm bitter kaya noong nakita ko ang ex ko dito sa mall with his new girl ay napasigaw na lang ako.."
Pakiramdam ko anumang oras ay babagsak ang luha sa kanyang mata at maaring magdulot ng baha sa edsa dahil sa tindi ng namumuong sama ng panahon sa kanyang mga mata. Pinaupo ko muna siya sa may labas ng coffee shop. Hinintay kong kumalma ang kanyang loob. Hanep ang pakiramdam para akong nasa pelikula. Ngayon lang ako naexperience maging crying shoulder.
"May panyo ka? Tutulo na kasi ang sipon mo. Madudumihan ang T-shirt ko, lagot ako kay ermat." Pinatawa ko siya kahit corny ang joke pero effective naman.
"Nag-eemote na nga ako bigla mo naman akong papatawanin." Umakto siya na parang bata at itinaas ang isang paa sa katapat na upuan.
"Ayoko ko kasi makakita ng babae umiiyak. Pakiramdam ko kasi ako ang dahilan kahit wala naman akong ginawang kasalanan."
"Pangit ba ako?"
"Hindi ah. Mas maganda ka pa nga sa mga bumasted sa akin. Alam mo hindi ka dapat umiyak at least naranasan mo mahalin. Nakakahiya man aminin hindi pa ako nagkakagirlfriend."
"Seryoso ka?Age mo?"
"23. Daig pa nga ako ng mga helper namin sa tindahan, minimum nila ang dalawang girlfriend."
"Pinapatawa mo naman ako."
"It's not a joke. Its my way para palakasin ang loob mo. Siguro hindi talaga siya para sayo, magpasalamat ka na lang na naging part siya ng buhay mo."
"Dami mo alam tapos hindi ka pa nagkakagirlfriend niyan ha."
"Well, base lang naman iyon sa view ko."
"So. Gusto mo magkagf?"
"Oo naman. Pero sino ba naman ang papayag ng instant gf? Kung magkakagirlfriend ako mapapahiya ang lahat ng kumakantyaw sa akin!" wika ko sa kanya habang inilalarawan ang itsura ng mga taong tumatawa sa aking sa tuwing ilalampaso ako ng mga babaeng niligawan ko.
"Ako papayag ako na maging instant girlfriend mo. Pero magpapanggap lang."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Pathetic na kong pathetic ang move na 'to. Pero gusto kong ipamukha kay Dexter na kaya ko din siya palitan agad. Kung papayag kang magpanggap na bf ko magagawa ko iyon at on your part mapapahiya na ang mga kumakantiyaw sa'yo."
"Hindi ka natatakot?"
"Military man ang Papa ko at black belt ako ng taekwondo."
Napaatras ako. "Ako pala ang dapat matakot."
"Dapat lang," pagmamalaki niya. "At alam ko namang good boy ka. Itsura mo pa lang." Tinanggal niya ang suot kong salamin. "Cute ka pala kapag walang glasses."
"Sige pumapayag na ako dahil sinabi mong cute ako." Hindi naman ako uto-uto, naisip ko lang na wala namang mawawala sa akin. Una, lalaki ako at pangalawa gusto ko din makaexperience ng excitement.
Pumayag ako sa gusto niya dahil sa wakas magkakaroon ako ng lovelife, kahit kunyari lang. Isa pa, may ipagyayabang na ako sa mga taong kumakantiyaw sa akin. Siguradong laglag ang panga ng mga tambay kapag nakita nila kaming magkasama at masasapawan ang ganda ng mga babaeng bumasted sa akin.
Sa wakas, may idadahilan na ako kay Mommy kapag ayaw ko maging bantay ng tindahan. Graduate ako ng business management pero hindi ko naman nagamit dahil mas minabuti ni Mommy na ako na lang ang manage ng negosyo naming grocery. Magandang pakinggan ang salitang "manage" pero sa simpleng salita bantay ako. Nag-iisang anak ako at lumaking mama's boy dahil kapag sumuway ako idadahilan ni Mommy ang lahat ng sakit niya. May diabetes at hypertension si Mommy kaya kapag tutol ako sa gusto niya ay bigla na lang hahawakan ang kanyang puso. Kaya natuto na lang ako sumang-ayon at instant na makakarecover si Mommy, may taglay yatang superpower ang pagsang-ayon ko.
Sa totoo lang, nakakainip ang maging bantay ng tindahan lalo na kung halos 18 hours kaming bukas. Naging pampalipas oras ko ang pagtetext sa mga nagpapaload na chicks. May dumededma lang at may nagrerelply ng "HU U?". May pagkakataon nga na number pala ng tatay nila o boyfriend ang natetext ko. Isang beses, sinuswerteng may pumapayag na makatext ako. Umabot na siya na ang naging dahilan ng ngiti ko sa bawat araw at ganoon din naman siya. Lumulutang ako sa ere sa bawat araw, tipong mali na ang naisusukli ko sa mga bumibili at pangalan niya ang nakikita ko sa lahat ng produktong nasa tindahan namin. Walang humpay ang aming text at kahit pikit na ang isang mata, sasabihing hindi pa inaantok. Isang araw ng Linggo, napagkasunduan namin magkita at naging maayos naman. Matapos ang araw na iyon, naging busy na siya. Hindi ko alam kung wala na siyang time magtext, lumaki ang daliri niya kaya hindi na magkasya sa keypad o talagang ayaw na niya akong kausap.
Pagkaorder, naupo kami sa mesa malapit sa corner sa may tapat ng aircon habang umiinom ng mainit na kape. Hindi ako makatingin ng deretso sa mukha niya dahil pakiramdam ko'y gusgusin ako.
"So?" basag niya sa katahimikan. Gusto niyang ako ang unang magsalita.
"Nga pala, hu u?" nasabi ko na lang sa kaba. "Este, ano palang pangalan mo?"
"Parang text lang ah," napangiti siya. "I'm Jane and you are?"
"Call me Loi." Pinasosyal ko konti dahil medyo nahihiya akong sabihin ang pangalan ko. Zoilo Datu IV ang totoong pangalan ko, minana ko pa sa tatay ng lolo ko.
"Okay Loi, back with our deal."
Inilatag niya ang kanyang mga batas. Una, bawal magtake-advantage gaya ng halik at yakap kung hindi siya ang mag-iinitiate. Military man ang Papa niya kaya huwag na huwag daw akong gagawa ng hindi niya magugustuhan. Pangalawa, bawal ikuwento kaninuman ang aming kasunduan. Sa oras na malaman ng iba ang kasunduan, babalian niya daw ako ng buto. Lahat ng natutunan niya sa taekwondo ay ipapatikim niya sa akin. Pangatlo, kailangan maging honest sa isa't isa. Kahit kulay ng underwear bawal ipagsinungaling. Ang huli at binigyan niya ng diin, bawal main-love. Kapag nainlove, tapos ang deal dahil wala daw siyang balak na patulan ako.
"Sige payag ako. Isa lang ang hihilingin ko."
"Ano naman?" tanong niya.
"Kailangan mong magpakilalang girlfriend ko sa Mommy ko."
"Bakit pa? Kaya lang naman tayo magpapanggap para ipakita kay Dexter na kaya ko siyang palitan agad."
"Hindi kasi ako basta nakaalis ng bahay ng walang dahilan. Hindi ko naman pwedeng sabihin na overtime sa office dahil wala naman akong trabaho. Ako kasi ang taga-manage ng business ni Mommy."
"So mama's boy ka pala?"
"Hindi naman," tanggi ko. "Masunurin lang kasi high blood si Mommy. Minsan, kailangang bayaran ko ang tagapamalengke namin para huwag pumasok at ako na lang ang gagawa ng trabaho niya. Sa ganoong paraan, makakapasmayal naman ako. Gaya ngayon."
"Natatawa naman ako. So you mean at your age lahat ng kilos mo ay dapat alam ng nanay mo?" Halos gumulong sa tawa si Jane.
"Hindi ah!" mariing tutol ko. "Kailangan lang may reason ang bawat lakad ko para naman hindi makaabala sa negosyo niya."
"Hmmmm. Siguro dapat ka din makilala ng parents ko para mas convincing ang plan ko."
"Sure no problem!" payayabang ko kahit sa loob ko ay may takot na paulanan ako ng bala ng tatay niya. Ikinuwento niya ang kiliti ng parents niya. Ang mama niya ay mausisa, mahilig sa ballroom at magluto. Ang daddy niya naman ay tahimik lang at madalas maglaro ng chess kahit nag-iisa. Kung masasakyan ko ang trip nila mas mabuti daw. Sinabi ko din sa kanya ang background ng pamilya namin. Mula sa pagkahilig ng mga magulang ko sa cholesterol hanggang sa aso naming mahilig magdigest ng tsinelas.
"Pero gusto ko na makilala muna ang nanay mo... ngayon."
"Ngayon?" duda ko.
"Oo. As in now na!" Namilog ang kanyang mata parang masarap dukutin at gawing holen.
"Hindi ka nagbibiro?"
"Hindi. Lets talk about kung paano tayo nagkakilala at kung paano naging tayo para consistent ang mga sagot natin."
Naging komportable agad kami sa isa't isa. Close na yata kami. Para talaga akong nasa pelikula o panaginip. Kung maari lang sipain ko siya sa mukha at kung masasaktan siya, hindi nga ito isang panaginip pero siyempre joke lang iyon.
Habang nasa byahe pinag-usapan namin ang set-up. Sa exclusive school for girls nag-aral si Jane kaya hindi pwedeng sabihing magkaklase kami. Ayaw naman niya ng ideyang textmate kami. Hindi din pwedeng common friend dahil kilala ng nanay ko ang lahat ng kaibigan ko. Mabibilang lang kasi sa daliri.
Ang napagkasunduan? Wala. Bahala na.
Naglakad kami sa eskinitang papasok sa amin. Bakas kay Jane ang takot. Dumikit siya sa akin at napahawak sa aking braso. Malambot ang balat niya at halos tumayo ang lahat ng pwedeng tumayo sa akin dahil sa kiliting dala ng kanyang balahibo. Pero inalis ko muna ang lahat ng kalokohan sa isip ko kailangang makumbinsi ko na makakalabas pa siya ng buhay.
"Natatakot ka? Huwag kang mag-alala hindi squatters area ang lugar namin. Masikip lang talaga ang mga daan," paliwanag ko kay Jane.
"Sure ka? Baka may bigla na lang mag-amok dito."
"Wala. Tapos na kagabi." Napasimangot siya at mas lalong dumikit sa akin. "Akala ko black belter ka?"
Tinulak niya ako palayo. Sayang nag-eenjoy pa naman ako. "Loko ka. Mas okay siyempre na walang gulo. Tahimik naman siguro dito."
"Oo naman! Sobrang peaceful ang lugar na 'to!" Pagmamalaki ko.
"Lumayas ka Berto!!!" sigaw ng babae sa bahay na nadaanan namin.
"Tahimik ha?!" sarkastikong wika ni Jane. "Anong tawag mo dyan?"
"Bagong lipat lang ang mga yan kaya exempted sila." kakamot-kamot sa ulong palusot ko.
"Puno ka ng palusot. Uhmm, I like you."
"Hoy, bawal main-love!" sigaw ko sa kanya.
"Hindi ako naiinlove, nagugustuhan ko lang ang ugali mo."
"Baka kasi kung saan mapunta ang like-like na yan. Lugi naman ako." Unti-unting nawawala ang kaba ko. Nakakatingin na ako sa kanyang mukha at nakakapagbiro na ako.
"Basta hindi ako naiinlove! Tapos!"
"Sumisigaw ka?"
"Hindi. Binibigyan ko lang ng emphasis," katwiran niya.
Sure ka ha?! Rule number 3, honesty."
"I'm very sure, Loi." Napangiti naman ako, hindi dahil sa ganda ng boses niya kundi sa ganda ng bago kong pangalan. "Hindi ako ang babali ng sarili kong batas," dagdag pa niya.
Pinapanood kami ng mga tao habang naglalakad. Parang kaming celebrity. May ilang nagbubulungan at ang mga lalaki naman ay halos mabali ang leeg sa paghabol ng tingin. At kahit ang umiihi sa may poste ay napatigil. Sa wakas, umeepekto na ang plano ko. Hindi na ako ang talunan sa pagkakataong ito. Win-win situation ang pinasok ko. Ako na ang gwapo!
Pagdating namin ng bahay, napuno agad ang bintana ng mga media na walang mikropono. Kung ano ang madinig nila siguradong broacast na sa buong eskinita. Kamakailan nga lang, nabalita si Mang Isko at ang kanyang asawa na aswang dahil madalas na may naririnig na pag-ungol sa kanilang bakuran. Hindi ko nga lang alam kung anong klaseng ungol ang nadidinig.
"Diyos ko po Anak!" gulat na gulat si Mommy nang makitang kasama ko si Jane. Hawak na agad ang kanyang dibdib. Anumang sandali, tatalunin na ni Mommy ang star for all season sa galing niyang umarte. "Anak, bakit kailangan mong gumawa ng masama?"
Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Mommy. "Mommy, huminahon ka! Wala akong ginagawang masama!"
"Anak, bakit mo kinidnap ang babaeng yan?" naiiyak na sabi ni Mommy habang itinuturo ang kasama ko.
"Kinidnap?!" What the duck?! Kakaiba talaga ang Mommy ko, walang tiwala sa sariling anak.
"Hindi niya po ako kinidnap," pagtatanggol naman agad ni Jane.
"Naku, malamang pinakulam ka ng anak ko." Tumakbo si Mommy sa kusina. "Tres, tumawag ka ng albularyo!" baling ni Mommy kay Daddy.
Sumunod ako sa kusina. Pinakalma ko si Mommy at pilit pinaniwala na hindi ako masamang tao gaya ng iniisip niya. "Wala po akong ginawa sa kanya kusa siyang sumama sa akin."
"Sino ba anak ang kasama mo?" usisa ni Daddy.
"Si Jane po. Girlfriend ko."
"Girlfriend? Ows??" sabay na wika ni Mommy at Daddy. Napakabuti nilang mga magulang, walang kabilib-bilib sa akin. Alam kasi nila ang mga sentimyento ko kapag nababusted ako ng mga nililigawan. Halip na payuhan nila ako madalas ginagawa pa nilang katatawanan.
Bumalik si Mommy sa sala para kausapin si Jane. Hindi pa din lubos na makapaniwala na may isang mestisang papatol sa akin. "Inom ka muna ng Juice, ineng."
"Jane po."
"Girlfriend ka daw ng anak ko?" Duda pa din si Mommy.
"Opo. " maikling sagot niya. May pagka-NBI si Mommy kaya mas magandang maikli lang ang sagot.
"Sigurado ka? Wala ka bang sakit Jane o may ipinainom lang sayo?"
"Wala po."
"Hmm. Huwag naman sana kayong padalos-dalos. Mga bata pa kayo para magtanan." OMG! Tanan?!
"Naku! Hindi po kami nagtanan. Gusto nya lang po akong ipakilala sa inyo. Hindi po ba kayo makapaniwala na magkakagirlfriend ang anak nyo?"
Umugong ang bulungan sa may bintana. Walang makapaniwala na magkakagirlfriend ako. Tao naman ako kaya posible naman siguro na may pumatol sa akin. Ang pagiging mama's boy ko lang naman ang madalas na dahilan kaya ako iniiwasan ng mga babae. Kung sa nanay ko nga daw hindi ako makasalungat paano ko pa nga naman daw sila ipagtatanggol. Hindi ko maintindihan, hindi naman masamang loob ang nanay ko. Kung mabaho man ang utot ko dahil masarap ang ipinakakain n'ya sa akin.
"Si Zoilo may gf na," dinig ko mula sa kwentuhan ng mga media sa may bintana. Ilang saglit lang ay may nagtext sa akin. "Pre nakabuntis ka daw?" Grabe ang balita, ilang segundo lang buntis agad. Welcome to Kalye Escalon! Ang buhay mo ay buhay din nila. Kahit schedule ng pagputok ng pigsa alam nila.
"Hindi talaga!" sabat ni daddy."Sa dating mo palang imposible kang mapasagot ng anak ko. Kahit nga sa anak ng manikurista ni Mameng hindi siya lumusot e."
Napakagat labi na lang si Jane para hindi mapatawa habang inilalaglag ako ng aking mga magulang. "Na-love at first sight lang po talaga ako siguro."
"Saan mo ba nakilala si Zoilo?" Nagsimula na ang interogasyon ni Mommy. Nagmistulang lie detector ang kinauupuan ni Jane.
"Mommy, I'm Loi not Zoilo."
"Loi-Loi ka dyan. Nagkabisita ka lang ng mestisa nabaluktot na agad ang dila mo. Doon muna kayo ng tatay mo sa tindahan!"
"Ah eh, minsan po akong napadaan sa tindahan ninyo. Nagtanong po ako ng direction. Nag-offer po si Loi na samahan ako kasi medyo maliit po at paligoy-ligoy ang mga daan dito."
"Mabait naman talaga ang anak ko. Pero sure ka hindi ka kinulam o ginayuma ng anak ko? Baka tinakot ka lang?"
"Hindi po. Katunayan nga po, hanggang sa lumabas po sinamahan niya ako kaya naging magaan po ang loob ko. Natagalan po ang pagdaan ng sasakyan kaya po nagkakwentuhan. Tapos simula na po iyon ng aming madalas na pag-uusap."
"Matagal na ba kayong magkasintahan ni Zoilo?"
"Kanina lang po. Kaya nga po nagdesisyon syang ipakilala ako sa inyo dahil sobrang saya niya."
Habang nasa tindahan, pinipigilan kong matawa sa mga naririnig ko. Buti na lang at mukhang kapani-paniwala ang mga kwento ni Jane. Kung ako ang tinanong ni Mommy malamang nagbuhol-buhol na ang dila ko sa kaba.
"Anak, ganda ng nabingwit mo! Magpalahi ka na agad," bulong ni Daddy.
"Dad! Sundalo ang tatay niya baka ratratin tayo."
"Anak, may bukas pang seminaryo, magpari ka na lang!"
Nakahinga ako ng maluwag matapos ang interogasyon. Instant prinsesa si Jane kahit langgam banned sa kabahayan namin. Kita ko sa mata ni mudra ang kasiyahan. Magaan agad ang loob ng pamilya ko sa kunwaring girlfriend ko. Sabi ni Daddy, sabik daw sa anak na babae si Mommy kaya naging malambing ang pakikitungo nito kay Jane. Nakakaasar nga lang dahil mga kapalpakan ko ang topic nila.
Hapon. Nagpaalam umuwi si Jane. Lumabas kami ng bahay at nagmistulang ako si Moses dahil nahawi ko ang dagat ng mga tsimosang nakapaligid sa aming bahay. Pareho kaming nakangiting umalis, hindi ko alam kung dahil sa naloko namin ang magulang ko o talagang masaya ang naging takbo ng usapan.
"Thanks ha! Nag-enjoy ako!" Si Jane.
"Pwede namang bumalik ka anytime para mag-enjoy ka ulit," biro ko. Sa totoo lang gusto ko na siyang itaboy palabas kapag ako topic nila pero nag-enjoy din naman ako kaya hinayaan ko na lang silang pagtawanan ako.
"Sinabi mo yan ha! Malamang tataba ako dito."
"I told yah! Mahilig talaga sa cholesterol ang mga magulang ko."
Naupo muna ako sa may bangketa habang wala pang dumadaang tricycle. Nang mapansin ni Jane na wala ako sa tabi niya, lumakad siya palapit sa akin.
"Slang ka na naman ha. Hilahin ko ang dila mo e." Pinaglaruan ni Jane ang nagkalat na maliliit na bulaklak sa daan. "Ano 'to?"
"Bulaklak ng nara," sagot ko.
"Bumubulaklak ang nara?" Namilog ang mata ni Jane sa labis na pagtataka.
"Oo. At kapag ganitong tag-init bumagsak sila. Ganda nga pagmasdan e. Parang umuulan ng bulaklak lalo na kapag malakas ang hangin."
Tumayo ako nang may makita akong parating na tricycle. "Huwag muna!" pigil ni Jane sa akmang pagpara ko sa parating na tricycle. "Hintayin muna natin bumagsak ang mga bulaklak."
"Paano kung walang dumating na malakas na hangin?"
"Pinapaalis mo na ba ako?" sumbat niya.
"Uupo na nga ulit ako e. Kahit gabihin tayo dito okay lang saken." Naging seryoso ang mukha niya matapos kong bumalik sa aking pwesto. Baka naimpatso na sa dami ng kinain.
"Salamat ha. Hindi ko inaasahan na magiging masaya ang araw na to. Napalitan ng saya ang lungkot ko kanina."
"Oo nga e. Muntik mo pa ngang dumihan ang damit ko."
"Yabang mo! Kidding aside, nagpapasalamat ako sa lakas ng loob mong sundan ako."
"Naiiyak naman ako sa mga lines mo."
"Puro ka naman biro eh, seryoso na ako."
"Alam mo Jane, ayaw ko kasing kumukunot ang noo mo. Pwede ka namang magpasalamat na happy mood."
"Sabagay. Thank you talaga, Zoilo!" sigaw ni Jane. Bumulusok ang malakas na hangin kasunod ang pagbagsak ng bulaklak ng nara. "Wow. Parang cherry blossoms, yellow nga lang!"
Nag-ipon ako sa palad ko ng mga bulaklak. "Noong mga bata kami isinasaboy namin ito sa mga dumadaan o kaya naman kapag naglalaro kami ng kasal-kasalan."
"Nasaan na ang partner mo sa kasalan?"
"Ah eh, wala. Ako kasi ang pari." Hindi ko alam kung bakit pa ako nagkwento. Parang gusto kong tadyakan siya para tumigil sa pagtawa. Isinaboy ko na lang sa kanya mga bulaklak sa palad ko at gumanti din naman siya. Masaya kami sa ginagawa namin pero sa mga nakakakita mukha kaming mga tanga.
Tinitigan niya ang malaking puno ng nara sa aming likuran. "Cool ng nara oh? Sa kabila ng kabruskuhan niya may soft side pala siya." Manghang-mangha si Jane sa puno. Nakuha pang ikumpara sa tao. "Ang alam ko lang matibay na kahoy ang nara ngayon alam ko na kaya din pala niyang mamulaklak ng maganda."
"Bumubunga din yan."
"Talaga? Anong hugis?"
"Joke lang. Haha!" bumingisngis ako. This time siya naman ang pinagtawanan ako.
"Loko! Next month, uuwi na ang parents ko from Bohol. Ipapakilala kita sa kanila."
"Sige. Palagay ko naman madali akong papayagan kasi kasundo mo na agad ang magulang ko."
"Cool nga ng parents mo e."
"Aliw na aliw ka nga e. Halos lumuwa ang mata mo kapag inilalaglag ako ng parents ko."
"Kasi ba naman, hindi naman pala alam ng parents mo na Loi ang pangalan mo." Gumuhit na naman ang ngiti labi nya. Masarap siguro siyang bilugin at gawing emoticon.
"Eh di ikaw na ang may magandang pangalan!" Sumimangot ako at umalis sa tabi niya.
"To naman oh, pikon agad." Hindi naman talaga ako napikon. Umarte lang. "Sorry na oh."
Hindi ako kumibo.
"Loi, uy. Uy Loi! Sorry na!"
"Gotcha! Umaarte lang!" mapang-asar na wika ko. Bago pa tuluyang maging luoy ang pangalan ko umamin na ako.
"Sus! Sincere pa naman ako kapag nagsosorry tapos niloloko mo lang pala ako. I hate it!" Biglang nagbago ang mood niya, daig pa ang babaeng sumapit sa menopausal stage. Hindi nga siguro maganda ang biro ko.
Lumapit ako. Tumalikod siya at parang inip na inip na naghintay ng tricycle. Patay! Mabubulilyaso pa yata ang chance na ipahiya ang mga bumasted sa akin. "Sorry, nag-assume kasi ako na close na tayo kaya nagbiro ako."
"Lesson? Never assume!" Hindi pa din siya humarap sa akin.
"Sige di na mauulit," seryosong pagpapakumbaba ko.
Natagalan pa bago siya humarap sa akin. " Gotchaa! Umaarte lang! Haha! Akala mo ha!" Pambihira! Ako pa ang naisihan sa sinimulan kong kalokohan. Ginulo niya ang buhok ko at tinawanan ang pagkaseryoso ko. "Mas bagay talaga sa'yo ang gulo ang buhok at walang salamin."
Ngumiti lang ako. Kulang na lang sabihin niyang jologs ako dahil sa mala-Rizal hair style ko.
"Jane, parang gusto kong tawagin kang Juanita."
"Subukan mo lang, bali ang buto mo!" Iniikot niya ang kanyang braso sa aking leeg na parang bang gusto na niya akong makipaglaro ng bingo kay San Pedro.
Tumagal pa ng dalawang oras ang aming pag-uusap. Inamin niya sa akin na hanggang ngayon ay mahal niya pa si Dexter. At kung sakaling maisipang bumalik sa kanya si Dexter ay tatanggapin niya ng buong puso. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, parang may kumurot sa aking puso. Naawa ako kay Jane sa gusto niyang mangyari. Kung pwede lang ipapasampal ko siya kay Jollibee para matauhan, ginawa ko na.
Unti-unti, naalarma ako sa madalas na pagdalaw ni Jane sa bahay. Mismong ang mga magulang ko na ang nag-iimbita para dumalaw siya. Pakiramdam ko malapit na akong palayasin at aampunin na nila si Jane. Palagay ko nga pati aso namin ay nagseselos na kay Jane dahil nabawasan na ang atensyong ibinigay sa kanya ni Mommy. Napaparanoid na ako.
Masaya si Mommy sa tuwing dumadalaw si Jane. Hindi na siya inaatake ng scripted na hypertension. Puwede na din akong gumala kung kailan ko man gustuhin basta sasabihin kong si Jane ang kasama ko. Sa kabilang banda, may pagbabagong hatid sa akin si Jane. Tinanggal ko na ang glasses ko pati style ng buhok ko binago ko na din. In short, hindi na ako jologs tulad ng dati.
"Paload po," basag ng isang babae sa paglipad ng isip kong parang tangay ng mga gamo-gamo.
Hindi agad ako tumayo dahil pagod pa ako sa paglalagay ng presyo sa mga de lata. "Pakisulat na lang po ng number sa notebook d'yan."
"Loi, may girlfriend ka na daw?" patuloy ng babae.
Loi ang tawag niya sa akin? Mabilis akong kumilos papunta sa babae. Bukod kay Jane, si Sofia lang ang nakakaalam sa kunyari kong pangalan. Siya ang babaeng minsan kong nakatext at naging dahilan ng bawat ngiti ko dati. Akala ko hindi na siya magpaparamdam, hindi na kasi siya nagtext matapos namin magkita. Tama nga siguro ang iniisip ko na lumaki ang daliri niya kaya hindi nakapagtext at ngayon lang bumalik na sa dati.
Lumapit ako. Hindi ako nagkamali, si Sofia nga ang nagpapaload. Buwan na din ang binilang noong huli siyang nagpaload dito. "Magkano?"
"50 lang. Totoo ba na may girlfriend ka na?"
"Oo." Maikli ang naging sagot ko. Aaminin ko, masama ang loob ko dahil bigla siyang nawala matapos namin magkita. Pakiramdam ko tuloy, ako ang pinakapangit na nilalang sa mundo ng mga hindi tao.
"Bilis magpalit ah! Nakalimutan mo na agad ako."
"Ako yata ang dapat magsabi niyan? Hindi ka nagparamdam matapos natin magkita at hindi na din kita makontak." Dismayado ako sa lakas ng loob niyang magparatang.
"Nawala kasi ang phone ko e. Gusto sana kita itext kaso hindi ko tanda ang number mo. Sayang tayo Loi."
Hindi ko alam kung dapat akong maniwala sa kanya. Sapat ba ang alibi niya para mawalan kami ng contact? Kung tutuusin, pwede naman siyang dumalaw dito sa amin o kaya sumigaw siya sa tapat ng tindahan para ipaalam na nawala ang phone niya. Kung nahihiya naman siya pwede naman siyang magpagawa ng tarpulin.
"So, anong pinanghihinayangan mo?"
"Akala ko kasi pwede pa maging tayo kaya sumadya ako dito. Kaso may girlfriend ka na."
Lumambot ang puso ko. Alam ko sa sarili ko, matindi pa din ang pagmamahal ko sa kanya kahit nasaktan ako sa nangyari. Pero paano ko sasabihin sa kanya na isang palabas lang ang namamagitan sa amin ni Jane? Magiging komplikado ang lahat kapag nalaman ni Mommy na makikipagsabwatan ko. Pero paano na ang sarili kong kaligayahan?
"I-text na lang kita mamaya, magulo pa ang isip ko sa ngayon. Pero aaminin ko, mahal pa din kita."
"Sige. Hihintayin ko ang text mo mamaya. Tandaan mo Loi, hindi ka nawala sa puso ko."
Gumulo ang napakasimple kong buhay dati, mas magulo pa sa mapa ng dota. Sa isip ko, dapat ko pa bang ituloy ang plano ni Jane at aminin kay Mommy na kalokohan lang ang lahat o maniwala ako sa mga sinasabi ni Sofia at magsimula ulit kami.
"Mukhang malalim ang iniisip mo ah?" si Jane.
"Stress lang siguro."
"Tara sa Intramuros! Akyat tayo dun sa bato para mabawasan ang stress mo." yaya ni Jane.
"Ano namang gagawin natin dun? "
"Magpapahangin. Tsaka may sasabihin ako sayo na hindi pwedeng i-discuss dito."
"Tinatamad ako."
"Ganun?" Umalis si Jane sa harap ko na gusot ang mukha.
"Zoilo?!" sigaw ni Mommy. "Ayaw mo daw samahan si Jane? Hindi ka ba nahihiya na ikaw na ang dinalaw dito tapos di mo pagbibigyan ang bisita mo?" Parang binasahan ako ng dalawang issue ng Manila Bulletin sa dami ng sinabi ni mommy. Pati pagpapadede niya ng branded na gatas sa akin para maging mabait ako, inungkat niya. Isa lang ang napatunayan ko, gustong gusto nila si Jane kaya magiging mahirap kung ipagtatapat ko ang lahat.
"Opo. Sasamahan ko na po." Abot tenga ang ngiti ng dalawa matapos akong mauto.
Umalis kami ng bahay na lumilipad pa din ang isip ko. Ilang beses na yatang pinitik ni Jane ang tenga ko bago ko naramdaman. Muntik pa yatang kagatin. Kulang na lang ihampas niya ang mukha ko sa pader ng intramuros para matauhan.
"May gumugulo ba sa isip mo?" tanong ni Jane habang inaalog ang balikat ko.
"Si Sofia." Ikinuwento ko kay Jane ang lahat dahil bawal nga naman magsekreto. Kasama yun sa kasunduan. Naintindihan naman niya. Malaya naman daw ako at pwedeng makipagkita kay Sofia.
"Paano kapag nalaman nina ermats?" naguguluhang wika ko.
"Hindi nila malalaman basta huwag mo lang siyang papuntahin sa bahay nyo. Ikaw din ang masisira sa pamilya mo kasi iisipin nilang two timer ka."
"Sabagay. Oh, akala ko may sasabihin ka kaya tayo pumunta dito?"
"Bukas aattend tayo ng party with my friends. Don't worry pinayagan ka na ng parents mo."
"Hanep sa bilis ah." Hindi mo pa nakukuha ang side ko, nasabi mo na agad sa parents ko."
"Ako pa!" pagmamalaki niya. "Kasama si Dexter sa party pati ang girlfriend niya kaya kailangan nadoon din tayo. Kaya vital ang role na ito."
"So, anong gagawin natin dun?"
"Magpapanggap siyempre! Huwag kang mag-alala, hindi natin need lumapit sa kanila. Mas magandang hindi sila pansinin."
"Ikaw bahala. Susunod lang ako. Basta kapag lalabas kami ni Sofia ikaw din ang magpapaalam sa parents ko."
"Sure, Loi the Lover Boy! And one more thing, sunduin mo ako sa bahay dahil ipapakilala na kita sa parents ko."
What the duck! Naging yaya pa ako. Tumango lang ako. Lumambot bigla ang tuhod ko matapos naming umakyat sa bato.
KINABUKASAN, hindi pa man sumisikat ang araw ay bumangon na agad ako.Napilitan akong mag-exercise kahit na hindi ko naman ginagawa dati. Kailangang maging kondisyon ako kapag humarap sa parents ni Jane. Hindi kasi ako masyadong nakatulog dahil nag-usap pa kami ni Sofia. Todo asikaso din si Mommy sa akin, kulang na lang paliguan niya ako at hilurin ang singit ko.
"Tao po! Tao po! Jane?!" Ilang beses pa akong sumigaw para madinig ng tao sa loob. Nalimutan ko, pwede nga palang magdoorbell.
Ilang saglit pa, bumukas ang gate at pinapasok ako ng katiwala sa loob ng bahay. Pinaupo muna ako sa may sala dahil nag-aayos pa daw si Jane.
"Ikaw ba si Loi?" Pinagmasdan ko ang dambuhalang lalaki na sa palagay ko ay ang tatay ni Jane. Nakipagkamay siya sa akin. Kinabahan ako. Sinlaki ng kamao niya ang mukha ko.
Namuo ang laway sa aking lalamunan. Hindi agad ako nakapagsalita. Binalot ako ng takot parang gusto kong umuwi at manood na lang ng doraemon. Kung mabubuking kami sa kalokohan namin, malamang isang suntok lang niya burado agad ang mukha ko.
"O-opo." Alerto akong tumayo ng tuwid kahit halatang may mga dagang nagdadaos ng intramurals sa aking dibdib.
"Matatagalan pa siguro si Jane. Alam mo naman ang mga babae, mabagal kumilos at inuubos ang oras sa harap ng salamin."
Hindi ko alam ang isasagot. Sa totoo lang, first time kong dumalaw sa bahay ng babae kaya hindi ko alam ang katanggap-tanggap na kilos. "Oo nga po. Dami kasi nilang rituals bago lumabas ng bahay."
"Naglalaro ka ba ng chess?" Ituro niya ang mesang yari sa marmol sa may garden. Nakaset-up na ang chess pieces sa ibabaw ng mesa. "Chess muna tayo habang di pa bumababa ang hinihintay mo."
Ngumiti ako ng bahagya kahit medyo pilit. Pakiramdam ko inilaglag ako ni Jane. Malamang pinagtatawanan niya ang itsura ko ngayon. Daig ko pa ang manok na di makaitlog sa kaba. "Naglalaro po hindi nga lang magaling," sagot ko.
Ipinatong niya ang kanyang kanan kamay sa aking balikat at inalalayan ako patungo sa garden. Wala akong balak maging sundalo dahil mabigat ang baril pero parang mas mabigat pa ang kanyang braso. Feeling close na agad siya sa akin. Kung hindi lang siya daddy ni Jane malamang binigwasan ko na.
"Paborito kong laro ang chess sa katunayan kahit nag-iisa ako naglalaro ako nito." Siya ang unang tumira gamit ang English opening. Iniangat ko naman ang isang pawn para pigilan ang balak niya.
"Pansin ko nga din po sa mga sundalo mahilig talaga sa board games. Bukod po sa nakakatanggal ng stress parang sinasalamin ng larong ito ang profession n'yo."
"Tama ka Hijo. Pero serbisyo ang ginagawa namin hindi propesyon," pagtutuwid niya sa sinabi ko. "Bukod dun, inihahambing ko sa larong ito ang isang pamilya."
Naunawaan ko naman ang gusto niyang sabihin. Itinuturing niyang siya ang mga pawns sa larong chess, ang queen ang mahal niya sa buhay at ang king ang kanilang tahanan. Bilang isang pawn, kailangan protektahan ang lahat at maiwasan ang pagkasira ng tahanan. Seryoso ang aming pag-uusap. Ramdam ko kung gaano niya pinahahalagahan ang kanyang pamilya.
"Nauunawaan ko po," sagot ko sa kanya kahit hindi naman ako masyadong interesado sa kwento at drama ng buhay n'ya.
"Loi?"
"Po?"
"Gaano mo kamahal ang anak ko?"
Natigilan ako. Inaamin ko maganda si Jane pero wala akong pagtingin sa kanya. Si Sofia pa rin ang laman ng puso ko. "Kung sa chess po, ako ang knight." Binuhat ko ang pyesang hugis kabayo at inalis ang kanyang rook. "Handa ako pasukin ang buong kaharian ng kalaban para maiwasan ang pagkasira ng sarili kong kaharian. Handa din po akong magsakripisyo para hindi mapahamak ang aking reyna."
Napalitan ng ngiti ang seryoso niyang mukha. "I like you, Hijo. Sana maging madalas ka dito. Huwag mong sasaktan ang anak ko." Siguro dapat anak niya ang sinasabihan niya dahil lagi akong gustong balian ng buto.
"Makakaasa po kayo." Ayos nakuha ko ang loob niya. Kung kakampi ni Jane ang Mommy ko, ang Daddy naman niya ang alas ko. Ang pagkakataon nga naman hindi mo alam kung kailan naglalaro.
"Sa itsura mo naman alam kong hindi ka gagawa ng masama." Hindi ba katanggap-tanggap ang itsura ko? Siguro mukha lang talaga akong anghel kaya niya nasasabi yon. Kinamayan niya ako biglang pagtanggap sa kanyang pagkatalo. "Salamat sa laro, rematch tayo sa muli nating pagkikita." Daldal kasi ng daldal kaya natalo.
Tumayo kami at bumalik sa sala. Bumaba si Jane ng hagdanan tulad ng napapanood ko sa pelikula na may kabagal ang paglakad. Parang gusto kong batukan sa bagal ng kanyang kilos. Humarap siya sa amin. Lumaki ang mata ko sa nagsusumigaw niyang dibdib pero inalis ko din agad. She's extremely gorgeous. Hindi ako makapaniwala na makakadate ko ang ganitong nilalang.
Kinurot ko si Jane para alam kong hindi ako nanaginip. "Aray!" sigaw niya. Hindi nga panaginip kasi nasaktan siya, akala ko kailangan pang tadyakan. "Para san yon?"
"Wala lang. Trip ko lang."
"Sus. Lalo ka lang nainlove sa akin." Kayumanggi ang kulay ko pero namula ang mukha ko sa sinabi niya. Hindi ko namamalayan na matagal na akong nakatitig sa mukha niya. She looked innocently beautiful. Nangungusap ang mata niya sa bawat buka ng bibig niya.
"Ehem. Hindi pa ba kayo aalis baka kayo na lang ang hinihintay sa party."
"Si Loi po kasi. Sobrang aga dumating."
"May kabagalan ka lang talaga kumilos Jane. Hindi ka na nahiya sa bisita mo." Yehey! May kakampi na ako. Akala ko, ako lang ang laging talo.
Hinawakan ni Jane ang aking braso at naglakad kami palabas ng bahay. May kakaibang pakiramdam ang gumuhit sa aking pagkatao. Ganito pala ang pakiramdam ng may girlfriend. Hindi ko maiwasang kiligin ako lalo na kapag dumidikit sa akin ang kanyang balahibo. "Aalis na po kami. Salamat din po sa laro." Sasabihin ko pa sana na magpraktis sya.
Nag-uumpisa na ang party noong dumating kami. May mga nagsasayaw na. Naalala ko tuloy noong JS Prom, hindi ako nagsayaw buong gabi dahil gusto kong first at last dance ko ang crush ko. Tumayo agad ako noong nadinig ko ang akmang kanta para sa aming dalawa. Perpekto na ang timing ko. Hindi nga ako kinakabahan kaso bigla akong sinabotahe ng Meralco.
Unang hinanap ni Jane si Dexter at girlfriend nito. Noong makasigurado na nandoon ang dalawa, hinila niya ako para imbandera sa mga kaibigan niya. Ipinakilala sa mga babaeng kita na ang kaluluwa at mukhang kagalang-galang na nilalang. Gusto niyang ipamukha sa lahat ng may boyfriend na siya. Para tuloy showtype pitbull na ilalaban sa dogshow.
Pero sa kabila ng effort niya tila walang epekto kay Dexter. Hindi nga naman ako ang tipo ng lalaki na dapat pagselosan. Wala akong panama.
Nagpaalam sa akin si Jane para pumunta ng ladies room. Palagay ko naman hindi siya nagbabawas pero mahigit kalahating oras na hindi pa siya bumabalik. Nag-ikot-ikot ako sa venue para mawala ang aking pagkainip. Alam ko kailangan ng space ni Jane at ang ladies room ang napili nyang venue. Dahil sa sakit ng nararamdaman niya.
Binusog ko ang tiyan pati ang aking mata. Hinanap ko naman agad si Jane noong nagsawa na ako. Nakita ko siyang nakaupo sa may damuhan malapit sa kalsada. Bahagya niyang niyakap ang sarili para bawasan ang lamig na dala ng hangin. Lumabas ako para samahan siya at sa takot din na iwan ako.
Nagulat siya nang maramdamang may humawi sa kanyang buhok na tumatabing sa kanyang mukha. "Umiiyak ka?" tanong ko kahit obvious naman.
"Hindi!" tanggi nya kahit panay ang kanyang hikbi. "Napuwing lang."
"Okay ka lang? Hindi ka na kasi bumalik sa loob."
"Masyadong masikip para sa akin ang lugar."
"Alam ko nasasaktan ka. Kaya mo pa ba? Uwi na kaya tayo?"
"Mamaya na lang. Dito na lang muna tayo."
"Sayang naman ang suot mo kung ako lang ang audience mo." Nakuha niya ang ibig kong sabihin.
Ngumiti siya. "Pinangiti mo na naman ako. Dami ko na tuloy utang sayo."
"Kailan mo balak magbayad?" biro ko. Tumitig siya sa akin. Matagal nagtama ang aming mga mata. Napalunok ako dahil wala yata siyang balak alisin ang tingin sa akin. Naobvious pa siguro na nagblush ako.
"Loi, kiss me. Now!" Biglang bumilis ang drum roll sa dibdib ko. "Please." Kusa siyang pumikit. We shared a kiss which was not intent to be more intimate. Smack lang pero nakapikit pa din siya kaya humirit pa ako ng isa. Nagdulot iyon ng nakakapanghinang pakiramdam. Hindi ko maexplain ang aking nararamdam. Kinikilig yata ako.
COMMENT PARA ITOTOLOY
|